P500-M TULONG NG DA, ILALAAN SA MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA NA APEKTADO NG BAGYONG “UWAN” SA CENTRAL AT NORTHERN LUZON

Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na may nakalaang halos P1 bilyong tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino.

Sa panayam ng Philippine News Agency kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, sinabi nitong P500 million ang nakalaan sa mga lugar sa Central at Northern Luzon na labis na napinsala ng bagyo.

Kabilang sa mga tulong ang pamamahagi ng binhi ng palay, mais, at high-value crops, animal feeds, fingerlings, at access sa P25,000 zero-interest Survival and Recovery (SURE) Loan Program na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagpapalabas ng P1.684 billion upang mapunan muli ang Quick Response Fund ng DA, Department of Social Welfare and Development, at Philippine Coast Guard kung saan P1 bilyon ang inilaan para sa DA upang mapalakas ang mga recovery at rehabilitation programs para sa agrikultura.

Ayon sa press release ng DBM, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, na dahil sa laki ng pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo sa sektor ng agrikultura, agad nilang inaprubahan ang kahilingan ng DA na i-replenish ang kanilang Quick Response Fund, bilang tugon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang tulong at pagbabangon ng mga lugar na sinalanta ng mga nagdaang kalamidad.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng validation ng pinsala sa mga apektadong rehiyon ang DA Disaster Risk Reduction and Management Operations Center upang matiyak na agad maipapamahagi ang tulong sa mga pinakaapektadong sektor ng agrikultura.