Matalino, masiyahin, puno ng ideya, may puso, pagnanais na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka at maituturing na political intellectual ng Nueva Ecija, ganyan siya inilalarawan ng mga taong nakakakilala sa kanya.
Kilalanin natin ang isang taong naging bahagi ng ilang dekadang paglilingkod sa bayan, tunay na Novo Ecijano na nanilbihan at nasa likod ng mga batas para sa ikauunlad ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa dahil sa pagsasabatas ng Agricultural and Fisheries Modernization Act kung saan naglaan ng bilyon bilyong pondo para sa iba’t ibang imprastraktura, credit facilities at patubig tulad ng pagkakaroon ng casecnan tunnel, dam at power generation plant na nagsusupply ng patubig sa malawak na bukirin sa lalawigan at kalapit na probinsya; natulungan ang milyon milyong mahihirap na taxpayers at Overseas Filipino Workers dahil sa Comprehensive Tax Reform Program at iba pa.
Sino nga ba ang Novo Ecijanong si Renato Diaz? Ipinanganak noong December 18, 1945 sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija. Isang business man, ekonomista at dating kongresista ng unang distrito ng Nueva Ecija mula 1992-1998.
Naniniwala siya na bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ang empowerment o pagpapalakas ng middle class at ng masa kaya itinaguyod niya ang mga proyektong pangkaunlaran na lubos na makikinabang ang mga magsasaka at SMEs.
Si Rep. Diaz ay author at co-author ng 270 bills kung saan 112 dito ang naipasa bilang mga batas.
Naging Presidente, CEO, Board Member, consultant, Executive Vice President ng iba’t ibang korporasyon at naging TV Talk Show Host sa iba’t ibang mga programa.
Naging miyembro ng komite tulad ng Committee on Rules, Trade and Industry, Economic Affairs, Agrarian Reform, Natural Resources, Interparliamentary Relations and Diplomacy, Government Enterprises and Privatization, Government Recognization at Civil Service.
Tunay na hindi matatawaran ang pag-aalay ng kanyang buhay sa pagbibigay at paghahatid ng serbisyo sa taong bayan. Ang kanyang kagalingan, matalas na pag-iisip ay nagbigay ng malaking kontribusyon sa ekonomiya at pag-unlad ng bansa.

