Habang papalapit ang panahon ng malalakas na ulan at thunderstorms, ipinaliwanag ng mga eksperto kung paano eksaktong nabubuo ang kidlat, isa sa pinaka-delikadong natural na pangyayari tuwing masama ang panahon.

Ayon sa mga meteorologist, ang kidlat ay isang napakalakas na kuryente na nabubuo sa loob ng ulap kapag nagkakaroon ng pag-iipon at paghihiwalay ng electric charge.

Ito ay maaaring mangyari sa loob ng ulap, sa pagitan ng mga ulap, o mula ulap papunta sa lupa.

Nagsisimula sa loob ng thunderclouds

Sa loob ng malalaking ulap ng bagyo—tinatawag na cumulonimbus—nagbabanggaan ang maliliit na yelo, tubig, at mga ice particles.

Dahil dito, nagkakaroon ng positibo at negatibong charge na nagkakahiwalay:

Positibong charge – nananatili sa itaas ng ulap

Negatibong charge – naiipon sa ibabang bahagi

Positibong charge sa lupa – naa-attract ng negative charge mula sa ulap

Habang tumatagal, lumalakas ang puwersa sa pagitan ng mga charge na ito.

Kapag sobra na ang charge, doon nabubuo ang kidlat.

Kapag hindi na kayang pigilan ng hangin ang napakalaking kuryente, bigla itong tatama o tatalon papunta sa: pinakamalapit na lugar sa lupa, isa pang ulap, o bahagi ng iisang ulap.

Ang mabilis na paglipat ng kuryente na ito ang nakikita nating kidlat.

Kasunod nito ang kulog, dahil sa tindi ng init ng kidlat na umaabot sa 30,000°C, mas mainit pa sa ibabaw ng araw, biglang lumalawak ang hangin sa paligid nito.

Ito ang naglalabas ng shockwave na naririnig bilang kulog.

Nagbabala ang PAGASA na mas mataas ang tsansang magkaroon ng malalakas na thunderstorms habang papalapit ang tag-ulan at habagat season.

Pinapayuhan ang publiko na umiwas sa bukas na lugar, tumabi sa matataas na puno, poste, o metal, at agad pumasok sa ligtas na gusali kapag may kulog at kidlat.