PAARALAN SA BAYAN NG LLANERA, NAKATANGGAP NG E-LIBRARY MULA SA KAPITOLYO
Nakatanggap ang Llanera National High School ng e-library mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral sa kanilang mga research at proyekto na nangangailangan ng gadgets at internet access.
Ayon sa punong-guro ng paaralan na si Gng. Marieta Javier, ang kanilang komunidad ay nasa gitna ng agrikultura, kaya naniniwala umano siya na isa sila sa pinagkalooban ng e-library dahil ito’y makatutulong upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral at guro sa larangan ng digital at teknolohiya.
Dagdag pa ni Gng. Javier, malaking tulong ang e-library dahil magbibigay ito ng mas maraming oportunidad sa mga mag-aaral na magsaliksik, hindi lamang mula sa mga libro sa isang tradisyunal na library, kundi mula rin sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng internet.
Aniya, sa kasalukuyan ay mas praktikal ang e-library dahil mas malawak ang mga impormasyong makukuha rito kumpara sa mga pisikal na aklat na limitado lamang.
Nagpasalamat naman ang punong-guro sa Kapitolyo at mga kawani nito na tumulong at nag-asikaso upang maisakatuparan ang proyekto, na tiyak umanong magiging kapaki-pakinabang para sa mga guro at estudyante ng paaralan.

