PABORITONG ULAM NG PINOY NA TORTANG TALONG, PANGALAWA SA “BEST EGG DISHES” SA TASTEATLAS

Inilarawan ng TasteAtlas ang tortang talong bilang isang simpleng pagkaing Pinoy na gawa sa pinaghalong inihaw na talong at binating itlog.

Sa kanilang listahan ng 50 Best Egg Dishes sa mundo ay pumangalawa ang paboritong ulam ng mga Pinoy na ito.

Ayon sa website ng TasteAtlas, nakakuha ng 4.4 out of 5 rating ang tortang talong, na tinawag ding “a versatile delicacy”.

Mas masarap nga ito kapag ipinares sa kanin at sinamahan ng tomato o banana ketchup, na paboritong sawsawan din ng mga Pinoy.

Ipinunto rin ng TasteAtlas na ang tortang talong ay mura at madaling iluto, at maaaring kainin sa umagahan, tanghalian o hapunan man.

Nagbigay rin ng rekomendasyon ang TasteAtlas kung saan maaaring tikman ang pinakamasarap na tortang talong sa Pilipinas.

Kabilang sa kanilang listahan ang Sarsa Kitchen and Bar sa Makati City, La Preciosa Restaurant sa Laoag, Ilocos Norte, at sa LZM Restaurant sa Tagaytay.

Sa Pilipinas, maraming bersyon ng tortang talong, at ilan sa mga ito ay may halong giniling na baboy o iba pang sangkap na pampalasa.

Samantala, ang Ajitsuke Tamago ng Japan na isang itlog na karaniwang isinasama sa ramen, ang nanguna sa listahan ng TasteAtlas, na may rating na 4.5.

Noong nakaraang taon (2024), nakapasok din sa Top 100 Filipino Food ng TasteAtlas ang tortang talong, kung saan ito ay pumwesto sa ika-lima.