PACKAGE RATE NG PHILHEALTH SA MGA PASYENTENG NAGDA-DIALYSIS, ITINAAS SA P4K KADA SESSION

Inaprubahan na ng Philippine Health Insurance Corporation ang dagdag tulong pinansiyal sa mga miyembro ng ahensiya na kailangan ng hemodialysis.

Batay sa anunsiyo ng Philhealth, mula sa kasalukuyang P2,600 ay itinaas ito sa P4,000 kada session.

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa, chairperson ng PhilHealth Board na ang pagtaas ng financial assistance ay alinsunod sa ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa rekomendasyon ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay Romualdez, malaking tulong ang pagtaas ng benepisyong ipinagkakaloob ng Philhealth sa mahigit isang milyong Pilipinong nagpapa-dialysis.

Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na kailangan pang gumastos ng mga pasyente para sa procedure kahit sa mga pribadong health facility kaya lubos ang pasasalamat nito sa kagawaran.

Bukod dito ay pasado rin sa Philhealth ang iba pang karagdagang serbisyo kagaya ng catheter insertion at blood transfusion.

Tinalakay din ng ahensiya sa kanilang pinakahuling pulong ang pagsasaayos ng coverage para sa renal replacement therapy o RRT kabilang din ang hemodialysis at peritonial dialysis.

Binigyang diin ni Herbosa na ang pagdadialysis ay hindi gamot bagkus ay matutulungan nitong pahabain ang buhay ng mga pasyenteng nasa end-stage na ang sakit.

Samantala, maglalabas ang Philhealth ng isang detalyadong circular at operational guidelines ukol sa karagdagang benepisyo sa lalong madaling panahon.