PAG-AALAGA SA MGA PAMILYANG NAGKAKASAKIT, INSPIRASYON NG TOP 6 SA NURSES LICENSURE EXAM

Personal choice daw ng Top 6 sa Philippine Nurses Licensure Examination na si Ashley Sophia Mae Legaspi Engracia ang pagkuha ng kursong nursing ngunit isa din sa dahilan ay ang kagustuhang maalagaan ng tama ang kanyang mga kapamilyang nagkakasakit.

Kwento ni Ashley, madalas siyang magbantay sa mga kapamilyang nacoconfine sa ospital at hindi nito alam kung ano ang mga dapat gawin noong una, kaya naman ginusto nitong mas magkaroon ng kaalaman sa pangangalaga sa kalusugan.

Hindi aniya naging madali ang kursong nursing dahil buhay ang kanilang hinahawakan, ngunit dahil sa kanyang determinasyon na maging ganap na nurse ay sinikap niya itong tapusin.

Nagtapos si Ashley bilang Magna Cum Laude at nakaranas din ng pressure sa pagrereview dahil sa expectation hindi man mula sa kanyang mga magulang kundi sa ibang mga taong nasa paligid nito.

Dahil sa pressure na nararamdaman ay nakalimutan daw ni Ashley na alagaan din ang kanyang sariling kalusugan dahil sa bawat minuto na pinanghihinayangan niya para magreview.

Ngunit pumasok sa kanyang isip na kung hindi siya magpapahinga at pipilitin ang sarili ay mas lalo lang niyang hindi kakayanin kaya natuto din siyang ipahinga ang kanyang isip at katawan at ipinagpasaDiyos ang lahat.

Noong eksaminasyon ay hindi man aniya siya siguradong papasa o mapapabilang sa top notcher ay wala siyang mararamdamang pagsisisi dahil alam niyang ginawa niya ang kanyang makakaya, at nagbunga naman ito ng gantimpala.

Sa ngayon ay nakatuon ang atensyon niya sa pagsisilbi sa sariling bansa, ngunit kung mapagbibigyan ng pagkakataong makapag-abroad ay handa siyang tumugon sa hamon.

Nais iparating ni Ashley sa mga nursing students o board exam takers na ang panalangin ang mabisang pinagmumulan ng lakas at huwag kalimutang alagaan at isaalang-alang ang sariling kalusugan sa pagkamit ng pangarap sa buhay.