PAG-ACCESS SA ILANG SERBISYO NG PHILHEALTH, MAS PINADALI GAMIT ANG SMARTPHONES
Mas pinadali na ang pag-acess sa ilang serbisyo ng Philhealth gamit lamang ang smartphones dahil sa bagong inilunsad na E-Philhealth na nakapaloob sa eGovPH application.
Ayon sa Philhealth, malaking ginhawa at tulong ito para sa mga miyembro lalong-lalo na sa mga empleyado dahil hindi na sila tutungo o pupunta pa sa mga branches ng ahensiya upang mai-check o i-update ang kanilang mga record.
Upang ma-acces ang E-Philhealth, dapat munang magregister sa kanilang Philhealth Member Portal na matatagpuan sa kanilang website. Kailangan sa pagrerehistro ang Philheath number at e-mail address.
Kailangan ding mai-download ang eGovPH app sa inyong mobile phone, pagkatapos ay mag log-in gamit ang inyong credentials. Dito ay makikita na ang ilan sa mga serbisyo ng Philhealth.
Kapag mayroon ng account, maaari nang tingnan ng mga miyembro ang kanilang mga profile, i-track ang kanilang contributions, at mga benepisyong natanggap gayundin ang mga nakadeklarang beneficiaries sa ahensiya.
Maaari ring pumili ang mga miyembro ng mga Primary Care Services Providers sa pamamagitan ng Konsulta Package at makapagrerehistro sa kanilang napiling provider.
Pwede ring i-download at i-print ng Philhealth members ang kanilang mga data records mula sa E-Philhealth.
Ang nasabing programa ay kasama sa mga hakbang ng gobyerno na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapaigting ng ease of doing business sa bansa at pagbibigay ng digital services para sa mga Pilipino.

