PAG-APAW NG PAMPANGA, ANGAT RIVER POSIBLE UMANONG LUMALA DAHIL SA MANILA BAY RECLAMATION

Nagpahayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na posibleng magdulot ang Manila Bay Reclamation Project ng mas madalas at matinding pagbaha sa mga ilog na konektado sa Manila Bay, tulad ng Pampanga River at Angat River, na parehong nag-uumpisa sa Sierra Madre at nagtatapos sa bay, batay sa unang yugto ng kanilang pag-aaral.

Ayon sa 2024 Cumulative Impact Assessment (CIA) ng Marine Environment and Resources Foundation (MERF), maaaring harangan ng reclamation project ang natural na daanan ng mga karugtong na ilog ng Manila Bay.

Ito ay posibleng maging sanhi ng labis na pagbaha sa mga lalawigan tulad ng Tarlac, Quezon, Pampanga na dinadaluyan ng Pampanga River, at Nueva Ecija na ang mga ilog ay parte ng Upper Pampanga River. Partikular na sa mga bayan ng Cabanatuan, Palayan, San Antonio, Pantabangan, Rizal, at Gabaldon. Habang ang Bulacan naman ay dinadaanan ng Angat River bago kumonekta sa Pampanga River.

Isinaad ni Dr. Charina Lyn Repollo ng MERF na apektado rin ang kabuhayan ng mga mangingisda at ang kalidad ng tubig sa Manila Bay na pwedeng magpakalat ng sakit sa balat, baga, at tiyan. Dagdag pa dito, makasisira din ang proyekto ng marine life at natural coastal defenses ng bay.

Nagbigay babala naman si DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga na ang pagkasira ng Manila Bay ay masama sa kalikasan, ekonomiya, at lipunan.

Kasalukuyang naghahanda ang DENR para sa ikalawang yugto ng pag-aaral sa 21 reclamation projects sa Manila Bay na inaasahang magiging singlaki ng dalawang Metro Manila.