PAG-ASA: EPEKTO NG ONDOY, MAGKAIBA SA BAGYONG CARINA
Nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na mas mapinsala pa rin ang Ondoy kumpara sa epekto ng habagat na dala ng Bagyong Carina.
Sinabi ng PAGASA, ang ulang hatid ng Ondoy nang humagupit sa Central Luzon noong huling bahagi ng September 2009 ay nagbuhos ng 300 millimeters habang ang Carina naman ay nagdala ng ulang 207 millimeters na tumagal ng anim na oras.
Dagdag pa nito, dapat umanong ikumpara ang habagat na dala ng Carina sa habagat na naranasan noong nakalipas na taon.
Samantala ayon sa Department of Agriculture, umabot na sa P203.38 million ang naitalang danyos na iniwan ng pinagsamang epekto ng bagyong Carina at Habagat sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DA-DRRM Operations Center, naapektuhan ang mga palayan, maisan at taniman ng mga high value commercial crops sa Central Luzon, Mimaropa, Western and Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga regions dahil na rin malawakang pagbaha.
Kinabibilangan ito ng 10,688 ektarya ng mga taniman habang umabot na rin sa 2,574 metriko tonelada ng mga pananim ang nasira.
As of July 25, pumalo na sa 21 katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ng nagdaang bagyo.
Base sa pinagsamang ulat ng Regional Police at Office of Civil Defense nitong Huwebes, apat ang namatay sa Central Luzon, 10 sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at pito sa National Capital Region (NCR) habang nasa 15 katao naman ang nasugatan habang lima pa ang pinaghahanap.
Dahil nasa 245,000 pamilya o 1.1 milyong katao ang naitalang naapektuhan at 292 kabahayan ang napinsala sa Metro Manila at karatig na lugar, naglaan na rin ang pamahalaan ng P3.8 bilyong ayuda at nakapamahagi na ng P776,000 halaga ng tulong sa mga naapektuhang pamilya.
Nag-alok na rin ang Social Security System na magbibigay sila ng Calamity Loan Assistance sa mga miyembro nito, katumbas ng isang buwang sahod o hanggang sa maximum na P20,000.
Patuloy pa rin kumikilos ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno sa atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para tulungan ang mga naapektuhan ng Bagyong Carina at Habagat sa buong bansa.

