Kape ang pampagising sa umaga ng mga Pinoy. Pero hinay-hinay lang sa pag-inom ngayong tag-init ayon sa DOH.

Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na bawasan muna ang pag-inom ng kape at alak ngayong sobrang init ng panahon upang makaiwas sa dehydration.

Sinabi ni DOH Health Promotion Bureau- Health Environment Division chief Dr. Rosalind Vianzon na dapat na panatilihing hydrated ang ating katawan sa panahong mainit ang panahon.

Aniya, sa halip na kape at alcohol, na maaaring maging sanhi ng dehydration, dapat uminom ang mga mamamayan ng hanggang walong baso ng tubig araw-araw.

Sa panig naman ni DOH spokesperson Albert Domingo, ang pag-inom ng kape at iba pang maiinit na likido ay maaaring magpahirap sa pagbaba sa temperatura ng katawan. Posible rin na ang isang taong mahilig uminom ng kape ay makaranas ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.

Kaugnay nito, naglabas din ng ilang hakbang ang World Health Organization Philippines para protektahan ang sarili sa matingding init.

Bukod sa pagpapanatiling hydrated ng katawan, mas makakabuti rin umano ang pagsusuot ng light colored at maluluwag na damit.

inabisuhan din ng WHO ang publiko na kung maaari ay iwasan na ang mga aktibidad na lubhang nakakapagod lalo na sa oras ng kaputukan ng init ng araw.

Ngunit kung hindi naman umano maiiwasan ay siguraduhin na maglaan ng oras para sumilong at magpahinga.

Base sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, mapanganib ang heat index kapag pumalo ito sa 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius kaya pinapayuhan ang lahat na mag-ingat.