PAG-MONITOR SA EL NIÑO AT LA NIÑA, MAS PINADALI NA SA ONLINE PLATFORM NA INILUNSAD NG PAMAHALAAN
Itinatag na ng pamahalaan, sa pangunguna ng Task Force El Niño ang El Niño Southern Oscillation Online Platform (ENOP), matapos iatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-activate ang isang online platform na naglalayong suportahan ang mga researchers, policymakers, meteorologists at ang publiko sa pag-monitor ng El Niño.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, ang ENOP ay isang online platform na ginawa ng pamahalaan upang matugunan ang limang pinaka-apektadong sektor ng El Niño at La Niña tulad ng pagkain, tubig, kalusugan, public safety, at enerhiya.
Makakatulong din umano ang naturang platform para sa dagdag na kaalaman ng publiko tungkol sa mga epekto ng El Niño at kung paano maiiwasan ang posibleng pinsalang dulot nito.
Maliban dito, sa pamamagitan ng website ay maaari ring makapagbigay ng impormasyon ang mga nasa ground lalo na sa panahon ng kalamidad.
Samantala, mayroong eksklusibong dashboard para sa mga local governments kung saan maaari silang magsumite ng mga detalyadong ulat na kailangan ipaabot sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bukas din ang ENOP para sa mga nais na magbigay ng suhestiyon at solusyon upang mas maging maayos ang serbisyo ng bagong online platform.

