PAGBABAKUNA KONTRA RABIES, MAS PINAIIGTING NG PROVINCIAL GOVERNMENT
Aprubado sa 37th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali para sa pagpapasa ng ordinansa sa pagtatatag ng Animal Bite Treatment Center sa ilalim ng pamamahala ng provincial government sa Maternal and Child Health Building sa ELJ Memorial Hospital Compound.
Sa panayam kay Dra. Josefina Garcia, Provincial Health Officer, ay sinabi nitong matapos ang kontrata sa pagitan ng Provincial Government at ng Group of Private Doctor ay ang pamahalaang panlalawigan na ang namahala sa Animal Bite Treatment Center kung saan libreng nagpapaturok ng anti-rabies ang mga Novo Ecijano.
“Para lang magkaroon talaga ng legal na dokumento na tayo na yung nagpapatakbo nung ating Animal Bite Treatment Center, kasi kailangan yun sa licensing ng facility, yung ipapa-license kasi yun eh, licensed na pala ng DOH at kailangan din accredited ng Philhealth.”
Ayon kay Dra. Garcia, kabilang ang Sangguniang Panlalawigan resolution para sa kinakailangang dokumento para maging Philhealth accredited ang Animal Bite Treatment Center kung saan makatatanggap ng Php3, 000 ang pamahalaang panlalawigan sa bawat pasyenteng tuturukan ng serum o active anti-rabies na ang sugat ay nasa category 3.
Pasok sa category 3 ang mga malalalim, malalaki at mahigit sa isang sugat mula sa kagat ng aso o pusa, kabilang din ang kagat sa leeg at mukha ng pasyente.
Sa kasalukuyan ay nasa labing isa na ang licensed Animal Bite Treatment Center sa buong lalawigan na matatagpuan sa mga Rural Health Units at ilang District Hospitals at isinusulong pa ang pagtatatag ng labing lima pa sa iba’t ibang LGUs at iba pang ospital para sa pagpapaigting ng pagbabakuna kontra rabies.
Sinabi ni Dra. Garcia na sa pitong lalawigan sa Region 3 ay nangunguna ang Nueva Ecija sa may pinakamataas na kaso ng rabies at bilang ng mga nasawi dahil sa halip na magpabakuna ay naniniwala aniya sa tawak o tandok.
“Marami tayong animal bite victim, pangalawa, kung hindi ako nagkakamali tayo ngayon ang may pinakamataas na rabies death sa buong Region 3, sa buong Region 3, kaya ganun na lang ang tulong ng Department of Health sa atin para maprevent natin yung mga death na ito.”
Kinakailangan din aniyang pag-ibayuhin pa ng Provincial Health Office katuwang ang mga nurses at midwife sa barangay ang health information lalo na sa mga liblib na lugar kung saan marami ang naniniwala sa tandok.

