PAGBABAWAL NG PAGBEBENTA NG SIGARILYO, VAPE SA MGA KABATAAN, PINAIGTING SA SAN FERNANDO, PAMPANGA

Ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando, Pampanga ang Ordinance No. 2014-007 o ang ‘no smoking’ policy na nagbabawal sa paninigarilyo at paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa anunsyo ng City Health Office ng San Fernando, mahigpit nang ipinagbabawal ang paninigarilyo at vaping sa mga pampublikong gusali at opisina, pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus, tricycle, at iba pang uri ng public transportation.

Ipinagbabawal na rin ang pagbebenta at pag-a-advertise ng sigarilyo at e-cigarettes sa loob ng 100 meters mula sa mga paaralan, palaruan, health centers, simbahan, parks, at iba pang lugar na dinarayo ng mga kabataan.

Ang mga lalabag ay papatawan ng P2,500 na multa at community service.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbebenta ng sigarilyo at vape sa mga menor de edad.

Ang mga tindahan o establisyimentong lalabag ay maaaring pagmultahin ng P5,000 at makulong ng hanggang isang taon.

Layunin ng ordinansang ito na protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan mula sa masamang epekto ng pagve-vape at paninigarilyo, at suportahan ang mga nais nang tumigil sa bisyo.