PAGDAGDAG NG ISA PANG LINYA NG KURYENTE SA BONGABON DISTRICT HOSPITAL, APRUBADO NG SP
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa kanilang ika-15 regular na sesyon ang kahilingan mula kay Governor Aurelio M. Umali na lumagda, sa ngalan ng Bongabon District Hospital, sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng ospital at ng Nueva Ecija II Electric Cooperative, Inc. – Area 2 (NEECO II – Area 2).
Layon ng kasunduan ang extension ng 3-phase line at pag-install ng tatlong 75kVA transformer upang matiyak ang mas matatag at maaasahang suplay ng kuryente sa ospital at sa patuloy na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa komunidad.
Inaasahang lalagdaan ito ni Governor Umali matapos maipasa ang awtorisasyon.
Batay sa plano, magkakaroon ng extension ng linya ng kuryente at pag-install ng isang karagdagang transformer na may kapasidad na 75,000-volt amperes (75kVA).
Ayon kay Dr. Avesta Bautista, kasalukuyang may dalawang 75kVA transformers na ang ospital, ngunit kinakailangan na ng dagdag dahil sa lumalaking pangangailangan ng kuryente sa pasilidad.
Ipinaliwanag din niya na kailangang ilipat ang lokasyon ng mga umiiral na transformer, kabilang ang bagong idadagdag, upang hindi ito tumama sa mga pribadong ari-arian na madadaanan ng bagong linya.
Ito ay inirekomenda ng NEECO II para mas maging ligtas at mas epektibo ang implementasyon ng proyekto.
Sa mga naging katanungan ni Board Member Belinda Palilio, nilinaw na hindi papalitan ang lahat ng transformer kundi magdadagdag lamang ng isa pa kasabay ng paglilipat ng lokasyon ng mga umiiral na transformer sa pasilidad.
Tinatayang aabot sa 1.33 milyon pesos ang halaga ng kabuuang proyekto.
Kinumpirma sa session na may nakalaan nang pondo para rito na naaprubahan na noong nakaraang taon at nakapaloob na rin ito sa Annual Investment Plan (AIP) ng lalawigan.
Ang proyektong ito ay inaasahang magbibigay ng mas matatag at sapat na suplay ng kuryente sa ospital na nagsisilbi sa maraming residente sa silangang bahagi ng Nueva Ecija.

