PAGDAMI NG ARAW NA WALANG PASOK NG MGA ESTUDYANTE DAHIL SA BAGYO, PINAG-AARALAN NG DEPED

Pinag-aaralan na ng Department of Education ang pagdami ng class suspension ng mga estudyante dulot ng sunud-sunod na kalamidad at natural disaster sa bansa ngayong taon.

Layunin ng nasabing pagtitipon kasama ang National Management Committee na pag-aralan kung ano ang gagawing mga pagkilos ng ahensya upang matugunan at masapatan ang nawalang mga pagkakataon sa pag-aaral ng mga estudyante.

Ngayong school year, ang Cordillera Region ang pinakamaraming naitalang kanselasyon ng klase na umabot na sa 35.

Sinabi pa ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang iba pang lubhang apektado ng mga rehiyon ay Cagayan Valley, Ilocos, Calabarzon, at Central Luzon na nakaranas din ng hindi bababa sa 29 na pagtigil ng klase bawat isa.

Inulat din na mayroong 239 na paaaralan sa bansan ang itinuturing “very high risk” sa karagdagang pagkawala ng tyansa ng pagkatuto dahil sa madalas na natural calamities at matinding pinsalang naranasan na nakakaapekto sa mahigit 377,000 na mag-aaral.

Habang nasa 4,771 na mga eskuwelahan naman ang naitala sa kategoryang “high risk” kung saan nasa 3, 865, 903 mga mag-aaral ang naapektuhan.

Isa sa mga hakbang na ipatutupad ng ahensya ay ang Dynamic Learning Program upang matiyak ang patuloy na pagkatuto lalo na sa mga apektadong rehiyon.

Maaaring ipatupad ang programa sa mga eskuwelahan bilang make-up classes o catch-up na mga sesyon para makabawi sa mga araw na walang pasok.

Inihayag ng DepEd ang isa pang solusyon nang ipakilala nito ang online learning content platform na ginawa ng Khan Academy, isa pang partner ng ahensya.

Ang pagpapatupad ng programa ay magsisimula ngayong Nobyembre sa mga paaralang naaapektuhan ng kalamidad tulad ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region at Cordillera Region.