PAGHARAP NI MARY JANE VELOSO SA KORTE SA NUEVA ECIJA, IPINAGPALIBAN
Dalawang beses nang postponed ang naka-schedule na presentasyon ni Mary Jane Veloso bilang complainant sa mga kaso laban sa kanyang mga recruiters.
Matatandaan na si Mary Jane ay inaresto sa Indonesia dahil sa drug trafficking noong 2010 ngunit hindi natuloy ang pagbitay sa kanya doon.
Sa isang panayam sa abogado ni Veloso na si Atty. Josalee Deinla, secretary general of the National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), sinabi niyang ni-reset ang hearing sana noong Miyerkules (June 3, 2025) para sa mga kasong qualified human trafficking, estafa and illegal recruitment kontra kina Julius Lacanilao, Maria Cristina Sergio, at isang nagngangalang “Ike”.
Unang beses itong hindi natuloy noong April 23, 2025.
May pending motion aniya kasi sila na humihiling na payagang humarap ng personal para tumestigo si Veloso kay Judge Maximo Ancheta of the Regional Trial Court (RTC) Branch 89 sa Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Ito rin aniya ang gusto ng depensa, pero may Supreme Court guidelines na kapag convicted prisoner, kailangang may special permission mula sa Office of the Court Administrator na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pa.
Noong nakaraang Disyembre ay inilipat si Mary Jane sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Habang sina Sergio at Lacanilao ay sinentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong noong 2020 dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8042, or the Migrant Workers Act.
Ang mga kaso ngayon ay isinampa ng tatlong kababaihan na gaya ni Veloso ay ni-recruit din umano ng dalawa.

