PAGHULI SA TEMPORARY PLATES, INIURONG NG LTO

Iniurong ng Land Transportation Office (LTO) ang nauna nitong banta na huhulihin at pagmumultahin ang mga may-ari ng mga motorsiklo at sasakyang gumagamit ng temporary o improvised license plates mula ngayong buwan ng Setyembre.

Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na iuurong na nito ang naunang itinakdang deadline mula Setyembre 1 tungo sa Disyembre 31. Matapos ulanin ang ahensya ng batikos mula sa publiko sa pangunguna ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino.

Ayon sa senador, tama lang na iatras ng LTO ang banta nito na manghuli ng mga ordinaryong rider at motorista dahil sablay ang lohika ng kanilang direktiba.

Paliwanag pa ni Tolentino, hindi dapat isisi sa motoring public kung kulang ang suplay o atrasado ang pag-iisyu ng official license plates ng gobyerno, dahil ito’y pangunahing responsibilidad mismo ng LTO.

Unang nanawagan si Tolentino sa LTO Region 7 (Central Visayas) para bawiin ang balak nitong hulihin at pagmultahin ang mga gumagamit ng temporary at improvised license plates mula ngayong buwan. Pero lumalabas na nakabase pala ang atas ng LTO Region 7 sa isang pambansang memorandum na inisyu ng LTO head office.

Ani Tolentino, ang ­pangunahing hamon sa LTO ngayon ay ang pag-resolba sa license plates backlog nito, na ayon sa mga ulat ay umaabot sa 9 milyon sa pinakahuling datos.

Si Tolentino na dating Chair ng MMDA, ang principal sponsor ng Senate Bill No. 2555, na naglalayong amyendahan ang mga kontrobersyal na probisyon ng ‘Doble Plaka’ Law (RA 11235) na nagdidiskrimina laban sa motorcycle owners at riders. Matapos silang magkasundo ni 1-Rider Party-List Rep. Bonifacio Bosita para pagtulungang isulong ang kapakanan ng milyun-milyong motorcycle riders sa mga nalalabing sesyon ng 19th Congress.

Sa programang Usapang Tol, pinasalamatan ni Bosita ang senador sa pamumuno nito sa pagpasa nito sa nasabing bill.

Sa botong 22-0 ay ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang SBN 2555.