PAGIGING FARM TOURISM PROVINCE NG NUEVA ECIJA, MAISASAKATUPARAN NA
Posible nang maisakatuparan ang pinapangarap ni Governor Aurelio Umali na maging isa sa mga mahahalagang Farm Tourism Province sa bansa bilang tinaguriang Rice Granary of the Philippines ang Nueva Ecija.
Ito ay matapos na pukpukan sa 43rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Oyie na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines para sa pakikipagtulungan sa pagbuo ng Comprehensive Tourism Development Framework Plan para sa probinsya.
Sa panayam kay Provincial Tourism Officer Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro ay sinabi nitong ang partnership na ito ay importanteng hakbang upang mapalakas, mapaigting, mapagtibay at mamaximize ang tourism potentials ng lalawigan kung saan magsasama-sama ang lahat ng mga tourism officers ng LGUs at tourism stakeholders na kinabibilangan ng mga hotel, resort, restaurants, travel agency operators, farm tourism operators and owners.
Magkakaroon din ng mga serye ng mga konsultasyon at pagpupulong upang alamin ang mga suhestiyon at komento ng mga stakeholders, alamin ang mga potensyal ng bawat lungsod at bayan, pagdedetermina ng mga imprastraktura na makatutulong sa lumalagong industriya ng turismo, at tukuyin ang mga programa at proyektong kailangang gawin upang masiguro ang pag-unlad ng turismo.
Sinabi ni Atty. San Pedro na mayroon nang umiiral na mga plano para mapaigting ang pagiging Farm Tourism Province ng Nueva Ecija, kung saan may aktwal ng mga lugar na dinidevelop bilang farm tourism sites kabilang ang Farm Village project sa Palayan City.
Dagdag ni Atty. San Pedro, makatutulong ito sa mga kababayang Novo Ecijano na pangunahing umaasa sa turismo bilang kanilang hanapbuhay at dahil sa plano na ito ay makikita ang potensyal ng lalawigan para mas mapadali sa pang-eengganyo sa mga potential partners at tourism investors sa lalawigan.
Ibinalita din nito na mula January hanggang September ay aabot na sa 1.7 million ang naitalang day tourists sa lalawigan, mas mataas kumpara sa 1.2 million ng buong taon noong 2022.

