PAGIGING MAS EPEKTIBO, MAHUSAY SA PAGBIBIGAY NG PAMPUBLIKONG SERBISYO, ISA SA MGA PRAYORIDAD NI ATTY. JOMA SAN PEDRO BILANG BAGONG PROVINCIAL ADMINISTRATOR

Nanunungkulan na bilang bagong Provincial Government Department Head (Provincial Administrator) ng Nueva Ecija si Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro, matapos sang-ayunan ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang 1st Regular Session ang pag-endorso sa kanya ni Governor Aurelio Umali, na naging epektibo na noong January 6, 2025.

Ayon kay Atty. San Pedro, isa sa mga pagtutuunan niya ng pansin bilang bagong Provincial Administrator ang pagtulong sa bawat departamento o dibisyon ng provincial government para mas maging epektibo at mas maging mahusay sa pagbibigay ng pampublikong serbisyo para sa mamamayan.

Sinabi ni San Pedro na hindi maikakaila na malaking responsibilidad ang pagiging PA ng lalawigan ngunit naniniwala at nangangako itong gagampanan ang tungkulin na iniatang sa kanya upang maisakatuparan ang layunin ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng administrasyong Umali sa pagbababa ng mga programa at proyekto sa taong bayan.

Si San Pedro ay tatlumpo’t limang taong gulang na nagtapos ng abogasya noong 2015 at tinapos ang kanyang Masters in Public Management sa Development Academy of the Philippines.

Taong 2017 nang unang pumasok sa Pamahalaang Panlalawigan si San Pedro bilang Legal Officer at taong 2018 nang maitalaga ito bilang Provincial Tourism Officer.

Pinalitan nito si dating PA Atty. Alejandro Abesamis na nagsilbi sa lalawigan sa loob ng labing anim na taon.