PAGKALUGI NG MGA MAGSASAKA, NAISALBA NG PROGRAMANG PAGBILI NG PALAY NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA

Malaking pasasalamat ang ipinaabot ng mga magsasaka mula Talavera at Llanera sa programang pagbili ng palay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, matapos bilhin ng kapitolyo ang kanilang ani sa mas mataas na presyo kumpara sa alok ng mga traders.

Ayon kay Edgardo Penzon Pascual, isang magsasaka at konsehal mula Bagong Sikat, Talavera, nakabawi sila kahit mahina ang ani ngayong anihan.

Sa kanyang 1.6 ektaryang sakahan sa Murcon, Llanera, nakaani siya ng 118 kaban ng palay gamit ang binhing 216.

Aniya, kung traders ang nakakuha ng kanyang palay sa presyong 12 pesos ay malulugi sila, pero dahil 15 pesos per kilo ang bili ng kapitolyo ay nakabawi pa rin sila dahil malaking tulong ang tatlong pisong deperensya na aabutin ng halos P15,000 sa kanilang kita.

Dagdag pa niya, ang mas mataas na presyo ay nakatulong para makapag-uwi sila ng panggastos, ngunit nanawagan siyang sana ay mapababa rin ang presyo ng pataba at krudo upang mas gumaan ang produksyon ng mga magsasaka.

Samantala, si Herbert Pimis ng Murcon, Llanera, na nakaani ng 147 kaban mula sa kanyang 1.4 ektaryang palayan, ay nagsabing nakatulong ang presyo ng kapitolyo na P14.50 bawat kilo upang makabayad siya ng utang at may maipang-grocery para sa kanyang pamilya.

Sa kanilang lugar daw kasi ay tinatawaran ng traders ang kanyang palay sa halagang P9.00 per kilo.

Para naman kay Manny Montoya ng Matingkis, Talavera, na may 3.5 ektaryang sakahan, malaking bagay ang pagkakaiba ng presyo ng Kapitolyo sa mga traders.

Kung sa traders aniya ay nasa P9 hanggang P12 pesos ang tawad sa kanilang palay, binili ito ng Kapitolyo ng P15 kada kilo.

Nanawagan naman siya sa pambansang pamahalaan na dinggin ang hinaing ng mga magsasaka dahil ang P10–P11 kada kilo ng palay ay hindi na sapat upang mabuhay at mapag-aral ang kanilang mga anak.

Sa kabila ng mababang ani at mataas na presyo ng mga input tulad ng abono at krudo, positibo ang mga magsasaka na mas makakabawi pa sila kung magpapatuloy ang programang pagbili ng kapitolyo sa mas mataas na halaga.