PAGKILALA SA FOREIGN DIVORCE, PINAG-AARGUMENTUHAN SA KORTE SUPREMA

Opisyal nang sinimulan ng Kataastaasang Hukuman o Korte Suprema ang pagtalakay sa G.R. No. 257575, isang petisyon na humihiling na kilalanin sa Pilipinas ang divorce na isinagawa sa ibang bansa.

Binuksan ng Korte Suprema ang oral arguments hinggil sa petisyong kilalanin ang bisa ng foreign divorce at ang epekto nito sa kasal na naitala sa Pilipinas.

Tinalakay sa pagdinig kung dapat bang ituring na walang bisa ang kasal sa bansa kung ito ay napawalang-bisa sa ibang bansa, lalo na sa mga kaso kung saan ang isa sa mga mag-asawa ay nagkaroon ng banyagang pagkamamamayan bago ang pagpapadiborsyo at muling bumalik bilang Pilipino.

Base sa Office of the Solicitor General (OSG), dapat resolbahin ng Kongreso sa pamamagitan ng paggawa ng batas ang usapin ng divorce sa halip na ipaubaya lamang ito sa korte, dahil “nagbago na ang panahon” at kailangan ng malinaw na legal na gabay para sa ganitong mga sitwasyon.

Sa ilalim ng Article 26, Paragraph 2 ng Family Code, maaaring kilalanin sa Pilipinas ang isang banyagang divorce kung ang asawang banyaga ang nagpa-divorce at naging malaya nang magpakasal muli. Subalit nananatiling komplikado ang proseso dahil kailangan pa rin itong idaan sa judicial recognition bago maituring na epektibo sa bansa.

Sinabi ni Atty. Ma. Carolina Legarda, legal expert na inimbitahan ng Korte Suprema, maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang dumidiretso sa Guam para kumuha ng tinatawag na “quickie divorce.” Ipinaliwanag niya na may pitong araw lamang na residency requirement sa Guam at maaaring matapos ang proseso sa loob ng halos dalawang buwan kung pumapayag ang parehong mag-asawa.

Aniya, pumipirma ng kasunduan ang mga mag-asawa upang hindi kuwestyunin ang hatian ng ari-arian, pati na ang suporta at kustodiya ng mga anak. Ito ang nagiging paraan upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang paghihiwalay kahit walang divorce law sa Pilipinas.

Matagal nang usapin sa Kongreso ang pagpasa ng isang divorce law sa bansa. Sa ngayon, Pilipinas at Vatican City na lamang ang walang kumpletong batas sa divorce, kaya maraming Pilipino ang napipilitang sumailalim sa annulment na isang matrabaho at magastos na proseso o humahanap ng alternatibong paraan gaya ng diborsyo sa ibang bansa.

Ang oral arguments ay kaugnay ng isang petisyon mula sa Pilipinong may dual citizenship na humiling na kilalanin ang kanyang diborsyo na nakuha sa ibang bansa. Ibinasura umano ng hukuman sa isang lugar ang kanyang petisyon kaya umabot sa Korte Suprema.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na desisyon ang Korte Suprema kaugnay ng naturang petisyon. Ipagpapatuloy pa lamang ang pagdinig sa October 21.