PAGLIKHA NG 93 BAGONG POSISYON SA PROVINCIAL GOVERNMENT, PINUKPUKAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Pinukpukan sa 33rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Acting Governor Emmanuel Antonio Umali sa pagbuo ng Onion Storage and Research Center Division sa ilalim ng Office of the Agriculturist at paglikha ng 93 new plantilla positions para sa iba’t ibang opisina ng Provincial Government ng Nueva Ecija.
Nauna na dito ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang abolition ng 53 plantilla positions mula sa ilang mga opisina na matagal na umanong bakante.
Ayon kay OIC Mary Angeline Fernandez ng Provincial Human Resource Management Office, sa 93 bagong posisyon na ito ay tatlumpo’t apat dito ang ilalaan para sa Onion Storage and Research Center Division.
Sineterpikahan naman ng Local Finance Committee na may sapat na pondo na nasa Php11,266,806.93 upang matustusan o masuportahan ang mga posisyong ito.
Ayon kay OIC Budget Officer Billy Jay Guansing, mula sa 53 positions na inabolished ay 34 dito ang may pondo kung saan nakalikom sila ng Php5,911,255.44 habang ang karagdagang pondo na nagkakahalaga ng Php5,355,551.49 ay kinuha naman nila mula sa salary savings mula sa mga opisina ng pamahalaang panlalawigan mula July 1, 2024-August 31, 2024.
Ang sweldo din aniya para sa mga bagong posisyon na ito ay nakaset na sa Salary Standardization Law 6 Tranche 1 na epektibo sa October 1, 2024.

