PAGLULUNSAD NG PALENG-QR PLUS NG BSP, UMAARANGKADA SA NUEVA ECIJA
Umaarangkada na sa Nueva Ecija ang paglulunsad ng Palengke-QR plus na programang isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na bahagi ng inisyatibo ng BSP upang hikayatin ang paggamit ng digital payments sa mga pampublikong pamilihan, tricycle, at iba pang maliliit na negosyo.
Ito ang inihayag ni Atty. Olivia Cornejo-Mallari, Area Director ng BSP Cabanatuan Branch, sa isinagawang Media Information Session for Central Luzon Media, kamakailan.
Ayon kay Atty. Mallari, sa patuloy nilang pagsasagawa ng mga public information campaigns sa buong bansa ay inaasahan nilang mas dadami pa ang gagamit ng mga Paleng-QR plus, lalo na sa lalawigan.
Ang programang ito ay kaakibat ng layunin ng BSP na gawing mas malawak ang paggamit ng cashless transactions bilang bahagi ng kanilang Digital Payments Transformation Roadmap.
Sa ilalim ng roadmap na ito, target ng BSP na gawing digital ang 50% ng mga transaksyon sa bansa at mas palawakin ang financial inclusion ng mga Pilipino.
Sa pamamagitan ng PalengQR Plus, hinihikayat ang paggamit ng QR Ph, isang standard na QR code system na sinusuportahan ng BSP kung saan maaari nang tumanggap ng bayad ang mga tindero at driver gamit ang mga QR code mula sa mga e-wallet.
Pinadadali nito ang pag-access sa digital payments para sa mga maliliit na negosyo upang gawing mas madali, mabilis, at ligtas ang mga transaksyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga digital platform.
Samantala, kabilang din sa tinalakay sa naturang information session ng BSP ang kanilang mandato, monetary policy framework, overview ng financial system sa bansa, Financial Consumer Protection Act at Financial Consumer Protection Regulations na ipinatutupad sa lahat ng BSP-Supervised Institutions.

