PAGMAMAY-ARI NG VACCINE STORAGE EQUIPMENT MULA SA UNICEF, PORMAL NANG INILIPAT SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA
Sa isinagawang 2nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija, pinagtibay ang kahilingan ni Governor Aurelio M. Umali na mabigyan siya ng otoridad upang lumagda sa Deed of Donation and Acceptance sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines.
Ang kasunduang ito ay pormal na maglilipat ng pagmamay-ari ng mga vaccine storage equipment tulad ng walk-in generator at automatic voltage regulator na unang ibinigay ng UNICEF noong 2022 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Christian Salazar, Acting Provincial Health Officer, ang mga kagamitang ito ay matagumpay nang nasubukan simula pa noong May 10 ng kasalukuyang taon at kasalukuyang nakalagak sa ELJ Hospital compound sa Cabanatuan City at ginagamit bilang sentralisadong imbakan ng mga bakuna na ipinamamahagi sa mga bayan at lungsod ng lalawigan.
Layunin ng pormalisasyon ng kasunduan ang mas maayos na paggamit at maintenance ng mga kagamitan para sa mga regular na bakuna ng lalawigan.
Sinabi ni Dr. Salazar na kung dati ay nakatuon ito sa mga COVID vaccine, ngayon ay gagamitin na ito para sa lahat ng regular vaccines tulad ng flu, pneumococcal at bakuna para sa mga bata at senior citizen at malaki din aniya ang maitutulong nito sa mga public health programs ng pamahalaang panlalawigan.
Tinalakay rin ang patuloy na pangangailangan ng anti-rabies vaccine sa mga Animal Bite Treatment Centers (ABTCs) sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Salazar, kulang ang supply mula sa Department of Health kaya’t ang Provincial Government mismo ay tumutulong upang mapunan ito.
Kasalukuyang may ABTCs sa Provincial Health Office sa ELJ compound, Gapan District Hospital, Gabaldon, Talavera General Hospital, at ilang district hospitals at RHUs na naghihintay ng accreditation.
Samantala, ayon kay Armida Torres, Provincial Immunization Coordinator, umaabot sa 40 cubic meters ang kapasidad ng vaccine storage area na ginagamit ng lalawigan.

