PAGPAPAGAMOT SA MGA EMERGENCY CASES, SAGOT NG PHILHEALTH KAHIT HINDI MA-ADMIT SA OSPITAL
Mas pinalawak na ng Philippine Health Insurance Corporation ang sakop ng benepisyo nito upang maisama ang mga outpatient emergency medical cases sa mga accredited level 1 hanggang level 3 na ospital sa buong bansa sa ilalim ng Facility-Based Emergency o FBE benefit.
Simula noong February 14, 2025 ay naging epektibo ang bagong polisiya ng Philhealth para mabawasan na ang mga gastusin ng mga Pilipinong nangangailangan ng agarang medikal na atensiyon at mas mapadali ang gamutan sa mga pribado at pampublikong ospital ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma.
Kabilang sa FBE package ang iba’t ibang serbisyo tulad ng imaging, laboratory tests, routine blood work, at therapeutics. Ang benepisyong ito ay para sa mga pasyenteng hindi kailangang ma-admit o maaaring pauwiin sa loob ng 24 oras mula sa pagpasok sa emergency department.
Sakop din ng nasabing package ang gastusin para sa mahahalagang gamot at medical supplies na kinakailangan upang gamutin ang mga agarang kondisyon.
Para makatanggap ng FBE benefits, kinakailangang magpakonsulta ang pasyente sa PhilHealth-accredited hospitals.
Base sa PhilHealth Circular 2024-0033, ang mga ospital na may extension facilities ay kailangang magsumite ng sertipikasyon sa kanilang PhilHealth Regional Office na naglalaman ng pangalan at kumplerong address upang matiyak na ang lahat ng serbisyo sa ilalim ng FBE package ay maayos na naidodokumento at nare-reimburse.
Ang pagpapakilala sa FBE package ay kasunod ng paglulunsad ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) noong nakaraang taon, na nagtakda ng reimbursement limits para sa mga outpatient emergency services na hindi sakop ng iba pang case rates o benefit packages.

