PAGPAPAHABA NG 6 NA TAONG TERMINO NG MGA BARANGAY OFFICIALS, PAGDEDEBATIHAN NA

Pagdedebatihan na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na iminungkahi ni Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Chair Imee Marcos sa kanyang mga kasamahan na pahabain ang termino ng mga opisyales ng barangay sa anim na taong panunungkulan mula sa kasalukuyang tatlong taon sa bisa ng Senate Bill 2816.

Sinabi ni Marcos na hindi sapat ang tatlong taong panunungkulan para sa epektibong implementasyon ng mga proyekto at programa para sa mga nasasakupang komunidad.

Binigyang-punto ng senadora na mula 1998, puro pagpapalawig na ang ginagawa sa mga termino sa barangay kung kaya’t napapanahon na para gawin itong anim na taon kaya naman hiniling nito sa mga kapwa senador na pagtibayin ang panukalang batas na nagbibigay-daan sa anim na taong termino sa mga kapitan, kagawad, at mga Sangguniang Kabataan.

Bahagi rin ng Senate Bill 2816 ang probisyong nagtatakda ng limitasyon sa mga opisyal ng barangay ng hanggang dalawang magkasunod ng six-year term.

Kung maisasabatas ang panukala ay idaraos ang susunod na barangay election sa ikalawang Lunes ng Mayo 2029.

Para tiyaking may kakayahan ang mga barangay officials, nakasaad din sa Senate Bill ni Senador Imee ang mga programang naglalayong hubugin ang kaalaman at kakayahan ng mga barangay chairman, kagawad at SK.

Pabor ang mga senador sa panukala dahil mas makakatipid umano ng P20 bilyon ang gobyerno at makapagko-concentrate ang COMELEC sa Midterm, National and Local Elections para sa 2025.

Sa usapin ng matitipid na pera sa halalan, hiling ni Marcos na gamitin ang pondo sa mga makabuluhang programa at proyektong direktang mararamdaman ng mga tao.

Base sa datos ng Liga ng mga Barangay, nasa 1,100 resolusyon ang pinagtibay ng mga lokal na konsehong pabor sa pagpapalawig ng termino ng mga kapitan, kagawad at SK officials.