PAGPAPALAKAS NG DISASTER RESPONSE SA ZAMBALES, HATID NG HIGH-TECH COMMAND VEHICLE MULA SA DOST REGION III
Upang mas mapabilis at mapaigting ang pagtugon sa mga kalamidad, nagkaloob ang Department of Science and Technology (DOST) Region III ng isang Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Zambales.
Tinanggap ng Zambales PDRRMO ang naturang sasakyan, na may kumpletong communication at monitoring systems na magsisilbing mobile command center tuwing may emergency o sakuna.
Layunin nitong mapabilis ang koordinasyon at pagtugon ng mga awtoridad, lalo na sa mga pagkakataong napuputol ang linya ng komunikasyon sa gitna ng kalamidad.
Bahagi ito ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program ng DOST, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa disaster preparedness at community protection.
Ayon sa press release ng DOST – Central Luzon, inaasahang malaking tulong ang high-tech na sasakyang ito upang mapalakas ang disaster response capability ng Zambales lalo na sa panahon ng bagyo, lindol, at iba pang emergency situation.

