PAGPAPALAKAS NG INTERNET CONNECTION SA PILIPINAS, PARATING NA; 10,000 TRABAHO, INAASAHAN

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bibilis na umano ang internet connection sa Pilipinas sa sandaling ilarga na ang paggamit ng satellite sa mga darating na araw.

Sa pakikipagkita ni President BBM sa Filipino Community sa Los Angeles, California ay nagkaroon ito ng pagkakataon na malibot ang SpaceX facility sa Hawthorne at nakita ang potensiyal ng bansa sa broadband connectivity para mapahusay ang koneksiyon ng internet.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology, as of June 2023, 83 percent ng mga Pilipino ay internet users. Ngunit, hindi lahat ay maayos na nakakagamit ng internet, lalo na sa mga malayong lugar.

Pero huwag mag-alala dahil sinabi ng pangulo na sa mga susunod na araw ay magiging maayos na ang internet speed sa mga liblib na lugar dahil sa magandang resulta ng kanyang biyahe sa Amerika partikular na sa Asia Pacific Economic Summit sa San Francisco.

Nito lamang ay nakipagkasundo ang gobyerno ng Pilipinas sa Astranis and Orbits Corporations para makatulong sa paglulunsad ng kauna-unahang internet satellite na opisyal na tatawaging Agila.

Mapapalakas nito ang paggamit ng mga bagong teknolohiya at pagpapalakas ng international partnerships ng bansa ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.

Sa naturang partnerships, inaasahan na makakakalap ito ng $400 million investment sa susunod na walong taon.

Ibinalita naman ng Presidential Communications Office na kayang saklawin ng Micro GEO satellites ang hanggang 10 million users at 30,000 barangay.

Inaasahan ding makalilikha ng mahigit 10,000 trabaho para sa direct at indirect employees and partners.