Isinusulong ngayon ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez na palawakin pa ang mga members benefits ng PhilHealth, kabilang na ang pagbayad sa mga doctor kapag private ang admission at hindi libre.
Ayon kay Romualdez, dapat na palawakin at pataasin ng 50% ang benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
Aniya, daing din ng mga tao na sagutin ng PhilHealth ang kalahati ng bill kapag na-admit sa pribadong ospital.
Ito ay kaugnay ng mga hinaing ng mga pasyente at miyembro ng ahensya na halos 15 hanggang 20 porsyento lamang ang sinasagot ng PhilHealth sa mga hospital bill ng pasyenteng na-admit sa private ward.
Habang 30% naman ang binabayarang professional fee ng nasabing ahensya.
Nais din ni Romualdez na gawing libre ang mga check-ups nang sa gayon ay agad na matukoy ang sakit ng pasyente at mabigyan ng agarang lunas lalo na ang mga nakakamatay na karamdaman.
Maliban sa libreng check-up, ay nais din niya na sagutin ng PhilHealth ang mga critical diagnostic exams tulad ng x-ray para sa lung cancer, mammography para sa breast cancer, at pagbabakuna ng human papillomavirus (HPV) vaccine upang maiwasan ang cervical cancer, at iba pa.
Sinang-ayunan naman ng pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) na si Dr. Jose Degrano ang isinusulong ni Romualdez, dahil labis umano itong makakatulong sa mga tao na kinakapos ang pambayad at nauubusan ng hospital beds sa charity ward kaya naa-admit sa pay ward.

