Inihain sa senado ang isang panukalang batas na naglalayong palawigin ang termino ng mga barangay officials sa anim na taon mula sa tatlong taon.

Sa ilalim ng Senate Bill 2629, lahat ng mga elected officials ay magsisilbi ng anim na taon at at hindi lalagpas na dalawang magkasunod na termino sa katulad ding posisyon.

Ayon sa nasabing bill na ipinanukala ni Senator Imee Marcos, chairperson ng Committee on Electoral Reforms and Peoples Participation, ang susunod na halalang pambarangay ay sa huling linggo ng Oktubre 2029.

Sinabi ni Marcos, sapat na ang anim na taon para sa mga barangay official na tuparin ang kautusang ibinigay sa kanila ng national government at local government units gayundin ang pagpapatupad ng kanilang mga proyekto.

Idinagdag pa ng mambabatas na malaki ang matitipid ng gobyerno kung kada anim na taon na ang eleksyon sa barangay.

Ipinaalala rin ng senador na noong 2023 Barangay at SK Elections ay umabot sa P18 bilyon ang ginastos ng Commission on Elections.

Nakatitiyak pa si Marcos na tataas pa ito sa susunod na halalan dahil nadaragdagan ang mga botante at tumataas din ang presyo ng election materials.