PAGPAPALIBAN SA BARANGAY, SK ELECTION SA 2025, IKINASA NG HOUSE PANEL
Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na ipagpaliban ang 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at gawin ito sa Oktubre 2026.
Ayon kay Villafuerte, ang pagsasagawa ng BSKE sa 2025 ay nangangahulugan na kulang ang terminong pinagsilbihan ng mga nanalo noong Oktubre 30, 2023.
Taliwas aniya ito sa nakasaad sa 1987 Constitution at 1991 Local Government Code na tatlong taon ang termino ng mga lokal na opisyal.
Pinuri naman ni Villafuerte ang mabilis na aksyon ng komite na pinamumunuan ni Mountain Province Rep. Maximo Dalog Jr. sa House Bill 10344.
Ayon kay Villafuerte, layunin ng kanyang panukala na magkaroon ng consistency at katatagan sa BSKE”, kung saan ang isang elektibong termino ay nilalayong ibigay nang buo.
Kaya, ang HB 10344 ay hindi nagtatangkang palawigin ang termino ng panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK, sa halip ay pagtugmain ang ipinag-uutos na tatlong taong termino ng mga nanunungkulan at sa susunod na halalan sa BSKE.
Ang isang taong pagpapaliban sa BSKE ay nangangahulugan aniya na mas marami ang mabibigyan ng pagkakataon na makaboto. Kasama ni Villafuerte bilang may-akda ng HB 10344 sina Camarines Sur Rep. Miguel Luis Villafuerte at Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan.

