PAGPAPATAYO NG MGA SILID-ARALAN, PINAMAMADALI NA

Hinimok ni Senator Bam Aquino si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad na ideklarang ‘urgent’ ang Classroom-Building Acceleration Program o CAP Act upang mapabilis ang pagtugon sa matinding kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Si Aquino, na siyang namumuno sa Senate Committee on Basic Education, at siya ring may-akda ng Senate Bill No. 121, ay nagsabing hindi sapat ang nagagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil 22 lamang sa target na 1,700 classroom ang kanilang naipatayo para sa taong 2025.

Ayon sa senador, bagama’t kabilang na ang panukalang ito sa mga prayoridad ng administrasyon, kailangang pabilisin ang pagpasa nito upang agarang makapagsimula ang mga proyekto sa mga paaralan.

Kapag naisabatas, ipinaliwanag ni Aquino na maaaring makilahok sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ang mga local government units (LGU) at non-government organizations (NGO) na may sapat na kakayahan, basta’t sumusunod sa itinakdang pamantayan ng Department of Education (DepEd).