PAGREPASO SA EPIRA, PAG-AARALAN NG KAMARA UPANG MAPABABA ANG PRESYO NG KURYENTE

Ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na isailalim sa komprehensibong pagrepaso ang Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA upang mapababa ang presyo ng kuryente at magkaroon ng seguridad sa enerhiya ang bansa.

Sinang-ayunan ng liderato ng House of Representatives, miyembro ng Young Guns at mga mambabatas ang iminungkahi ni Romualdez na magkaroon ng masusing pag-aaral sa EPIRA para abot-kaya nang bayaran ng publiko ang bawat singil sa kuryente.

Bagaman mayroon umanong mga naging plano noong nakaraan, wala pa anilang nagsagawa ng pagbabago sa nasabing batas.

Sinabi ng mga mambabatas na kung magagawang mareduce o mabawasan ang halaga ng kuryente sa bansa ay magreresulta ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Inamin ni Romualdez na kumplikado ang gagawin ng Kamara ngunit kanilang sisikapin na tapusin ang pag-amiyenda sa EPIRA bago mag-recess ang Kongreso sa panahon ng Kapaskuhan.

Matatandaan na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong Asean region, at walang magawa ang mga kababayan kundi tiisin na lamang ang hirap na nararanasan sa pagbabayad ng mahal na singil sa kuryente.