PAGTANGGAL NG MOTHER TONGUE SA KLASE, PAGLABAG UMANO SA KARAPATAN NG MGA BATA

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupong Tanggol Unang Wika Alliance (TUWA) para ipawalang-bisa ang Republic Act 12027 o ang isang batas na naglalayong tanggalin ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo sa Kindergarten hanggang Grade 3.

Ayon sa grupo, nilalabag ng RA 12027 ang Saligang-Batas, lalo na sa karapatan ng mga bata na matuto gamit ang sarili nilang wika at sa kanilang freedom of expression.

Giit ng mga petitioners, nilalabag din ng batas ang ilang international agreement, tulad ng Convention on the Rights of the Child, Freedom from Discrimination, at International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights.

Sa ilalim ng RA 12027, simula noong Hunyo 2025, tanging Filipino at Ingles na lamang ang itinuturing na wikang panturo, at ginawang opsyonal ang paggamit ng mother tongue.

Itinuturing ng grupo na pabigat ang mga kondisyon para magamit ang mother tongue gaya ng pagkakaroon ng kumpletong materyales, language mapping, at proficient na guro — mga kondisyong hindi umano hinihingi sa paggamit ng Filipino at English.

Ipinunto ni Dr. Ricardo Nolasco, convenor ng Tanggol Unang Wika Alliance, na batay sa mga local at international studies, mas mataas ang academic performance ng mga estudyanteng natututo sa sariling wika.

Aniya, ayon sa Trends in International Math and Science Study (TIMSS), pinakamataas ang achievement sa Math at Science ng mga batang gumagamit ng wikang panturo na 90% nilang ginagamit sa bahay.

Nanawagan ang grupo sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction upang ihinto ang pagpapatupad ng naturang batas.