PAGTATAAS NG PRESYO SA 63 BASIC GOODS, APRUB SA DTI
Nakatakdang ipatupad sa February 1, 2025 ang inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) na hirit ng mga manufacturer na itaas ang presyo ng 63 items ng basic necessities and prime commodities (BNPC).
Idinadaing kasi ng mga manufacturer ang tumataas na halaga ng raw materials, gayundin ang labor.
Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, sa 217 BNPCs sa suggested retail price (SRP) bulletin na inilalabas ng DTI, 28 percent lamang ang may price increase, habang 158 dito o ang 72 percent ay mananatili ang halaga.
Maliit lang umano ang inaprubahang price adjustments na nasa below 5 percent hanggang 10 percent.
Kabilang sa mga items na magtataas ang presyo ay ang luncheon meat, meat loaf, sardinas, evaporated milk, kandila, at baterya.
Inihalimbawa nito ang sardinas na nasa Php25.00 ang halaga na tataas ng 8 percent o may katumbas na Php1.60.
Paliwanag ng Kalihim, gustong protektahan ng ahensya ang mga mamimili, ngunit nauunawaan din nila ang panig ng mga manufacturer upang hindi sila magtanggal ng mga mangggagawa, at lumago pa ang kanilang negosyo.
Naniniwala siyang win-win solution para sa magkabilang grupo ang pag-apruba sa pagtataas ng halaga sa mga nasabing pangunahing bilihin.
Tiniyak niyang imo-monitor ng DTI ang presyo ng mga ito, at pinapayuhan ang mga mamimili na suriin ang listahan ng SRP at ihambing ito.

