Aprubado sa ginanap na 2nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang pagtatayo ng Maringalo Dam Irrigation Project sa Sitio Maringalo, Barangay Joson, Carranglan, Nueva Ecija.

Paliwanag ni NIA-UPRIIS Acting Department Manager Engr. Gertrudes Viado, makakatulong ang dam sa mga magsasaka sa ilang bahagi ng Nueva Ecija.

Bukod aniya sa maiiwasan ang kakulangan ng supply sa tubig ay suporta rin ito sa Rice Sufficiency Program ng National Government.

Ayon kay 2nd District Board Member Ferdinand Dysico, ang itatayong dam ay katulad ng itinayong mini dam sa Lupao na may kalakihan ngunit hindi kasing laki ng Pantabangan Dam.

Tinataya umanong nasa 100 to 200 hectares ang Maringalo Dam na magsusupply ng tubig sa Carranglan pababa sa San Jose City, partikular na sa Barangay Tayabo kung saan bumaba na ang tubig sa ilog.

Sa pagkakaalam umano ni Bokal Dysico, minamadali na ni President Bongbong Marcos ang pagtatayo ng mga dam para sa preperasyon sa El Niño.