PALAY NG MAGSASAKA SA ZARAGOZA, BINABARAT NG TRADERS SA ₱5.50–₱6.00; BINILI NG KAPITOLYO SA MAHIGIT DOBLENG PRESYO

Isa si Tatay Ferdinand Legamia, dating Overseas Filipino Worker na ngayo’y ganap nang magsasaka sa Barangay Del Pilar, Zaragoza, sa mga nasagip ng Pamahalaang Panlalawigan mula sa mababang presyo ng palay.

Kahit basang-basa ang kanyang palay dahil sa patuloy na pag-ulan ay binili pa rin ito ng Kapitolyo sa halagang P13.00 na higit doble sa karaniwang P5.50 hanggang P6.00 na alok ng mga rice traders.

Ayon kay Tatay Ferdinand, nakita niya sa isang post ang anunsyo tungkol sa pagbili ng palay ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Food Council. Agad siyang nag-fill out ng form at nagpadala ng detalye sa mga ibinigay na hotline numbers nito.

Hindi umano niya inaasahan na totoo pala ang nabasa niya kaya’t lubos ang pasasalamat niya sa Diyos dahil sa pagtulong ni Governor Aurelio “Oyie” Umali sa mga magsasaka.

Daing ni Tayay Ferdinand, napakahirap maging magsasaka dahil apat na buwan niyang inalagaan ang tanim na palay at napakamahal ng mga ginamit na inputs.

Matapos ang transaksyon, agad na dinala ang kanyang ani sa rice mill ng Kapitolyo sa bayan ng Guimba upang iproseso.

Plano ni Gov. Oyie na ang mga nabiling basang palay ay gamitin sa mga feeding program kundi man ito maipamigay bilang ayudang bigas o kaya ay ibenta sa halagang P20 kada kilo.

Ang naturang programa ay bahagi ng interbensyon ng pamahalaang panlalawigan upang protektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa epekto ng Rice Tariffication Law at labis na pambabarat ng ilang rice traders.