PAMAHALAAN, TODO-BANTAY SA SCATTER ONLINE GAMBLING; LIBU-LIBONG ILLEGAL WEBSITE, IPINASARA NA!

Mas pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa ilegal na online gambling sa bansa, partikular sa tinatawag na “Scatter,” matapos makapagtala ng libu-libong kaso ng pagkaadik at pagkawasak ng pamilya dahil sa nasabing digital na sugal.

Batay sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, umaabot sa 10 porsyento ng mga internet users sa Pilipinas ang aktibong nagsusugal online.

Sa isang press briefing, kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro na mahigit 7,000 illegal gaming websites ang naipasarang muli ng Department of Information and Communications Technology o DICT, sa pakikipagtulungan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.

Lumalabas na hindi na mga ordinaryong mamamayan lamang ang naaapektuhan, kundi maging ang kabataan at mga breadwinner ng pamilya.

Kabi-kabila rin ang mga komentong makikita sa social media, kung saan ilan sa kanila ay nagpahayag ng pagkadismaya matapos malulong sa Scatter.

Katulad na lamang ng isang single mother, sa una raw ay libangan lamang ito, hanggang sa maubos na ang lahat ng kanyang ipon at alahas.

Para naman kay JA, dahil umano sa pagkalulong sa Scatter, iniwan na siya ng kanyang asawa.

Pananaw naman ni Walcy, marami na ang nababaon sa utang at nagpapatiwakal dahil sa nasabing online game.

Dahil dito, hinihimok ng Malacañang ang mga pamilyang apektado na mag-report sa PAGCOR upang ma-ban sa paglalaro ang sinumang adik sa licensed gaming sites.

Ipinaliwanag ng pamahalaan na hindi lahat ng scatter platforms ay ipinagbabawal. Ang mga lisensiyadong gaming websites ay may umiiral na safeguards tulad ng identity verification, age limit, at self-ban features.

Ngunit ang mga illegal sites na karaniwang naipapakalat sa pamamagitan ng private links, Telegram, o TikTok ay walang regulasyon at hindi kayang i-monitor ng estado.

Samantala, ilang mambabatas tulad ni Rep. Dan Fernandez ang nagpahayag ng pagkabahala dahil ginagamit umano ang mga mobile wallet gaya ng GCash sa mabilis na transaksyon sa Scatter.

Nanawagan ang pamahalaan sa publiko na huwag suportahan o i-promote ang anumang gambling website na walang lisensya mula sa PAGCOR. Mahigpit rin ang babala ng gobyerno sa mga influencer at social media users na ginagamit ang kanilang mga platform upang hikayatin ang iba sa ilegal na sugal.

Para sa mga nais magsumbong ng ilegal na gambling websites o ipa-ban ang adik na kaanak sa licensed platforms, maaari silang makipag-ugnayan sa PAGCOR o DICT hotlines.