PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, DAR, PCEDO, KAAGAPAY SA PAGTATAGUYOD NG MAS MATATAG NA KOOPERATIBA SA NUEVA ECIJA
Patuloy ang pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, katuwang ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office (PCEDO), sa pagpapalakas ng mga kooperatiba sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng pagsasanay at tulong teknikal sa kanilang mga opisyal at miyembro.
Kamakailan, isinagawa ang Fundamentals of Cooperative Seminar para sa mga opisyales ng Panabingan Multipurpose Cooperative sa bayan ng San Antonio.
Ang dalawang-araw na seminar ay isinagawa ng PCEDO bilang pagsunod sa mandato ng Cooperative Development Authority (CDA) na nag-uutos sa lahat ng opisyal ng kooperatiba na sumailalim sa mga kinakailangang pagsasanay bago makapanatili sa kanilang puwesto.
Ayon kay Julieta Butardo, Cooperative Development Specialist ng PCEDO, mahalagang maunawaan ng mga opisyal ng kooperatiba ang pundasyon, kasaysayan, prinsipyo, at batas ng kooperatibismo upang maging epektibo sa pamumuno.
Tinalakay sa pagsasanay ang Republic Act 9520 na nagsusulong ng kooperatibang kaunlaran, at iba pang mahahalagang konsepto gaya ng values at operational practices ng isang matatag na samahan.
Bukod sa fundamentals, bahagi rin ng mandatory trainings mula sa CDA ang mga larangan ng Cooperative Governance and Management, Credit Management, Risk Management, at Financial Management.
Nagbibigay rin ang PCEDO ng specialized trainings gaya ng Basic Accounting for Non-Accountants at Strategic Planning upang mapalalim ang kaalaman ng mga miyembro sa maayos na pamamalakad at direksyon ng kanilang kooperatiba.
Binigyang-diin ni Butardo ang malaking suporta ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, Vice Governor Anthony Umali, at iba pang opisyal, sa pagtataguyod ng mga kooperatiba
Aniya, sa suporta ng pamahalaan ay nakadalo sa mga training of trainers ang staff ng PCEDO at naging isang accredited training provider ng CDA.
Dagdag pa rito, kinilala rin niya ang pakikipagtulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR), na lalong nagpapatibay sa pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno sa pag-aangat ng antas ng mga kooperatiba.
Samantala, ibinahagi ni Petronio Ucol, chairman ng Panabingan Multipurpose Cooperative, ang kuwento ng kanilang paglago mula sa pagiging isang irrigators’ association hanggang sa pagiging isang kooperatiba na ngayon ay may 232 miyembro na.
Aniya, sa tulong ng DAR at LandBank, unti-unting lumawak ang kanilang operasyon, mula sa pagpapautang para sa pagsasaka hanggang sa pagtulong sa maliliit na negosyo ng kanilang mga miyembro.
Dagdag pa niya, mahalaga ang mga pagsasanay gaya ng isinagawa ng PCEDO upang maihanda hindi lang ang mga opisyal kundi maging ang karaniwang miyembro sa epektibong pagpapatakbo ng kanilang samahan.
Buong puso ang naging pasasalamat ni Ucol sa DAR, PCEDO, at kay Gov. Umali sa walang sawang pagsuporta upang mapaangat at mapaunlad ang mga kooperatiba sa lalawigan.

