PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA, PINALALAKAS ANG KAMPANYA KONTRA TEENAGE PREGNANCY AT HIV
Pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kampanya laban sa teenage pregnancy at HIV sa pamamagitan ng taunang Adolescent Health and Development Symposium na isinasagawa sa iba’t ibang paaralan at bayan sa lalawigan.
Ngayong taon, kabilang sa mga binisitang lugar ng Provincial Health Office ang Talavera National High School kung saan halos 500 estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 10 ang nakatanggap ng tamang impormasyon hinggil sa reproductive health, HIV awareness, at teenage pregnancy.
Personal ding nagtungo ang PHO sa bayan ng Rizal at Fort Magsaysay sa Palayan City upang maghatid ng parehong mensahe.
Ayon kay Anna Kristel Olanda, Population Program Officer ng PHO, layunin ng programa na maitama ang maling paniniwala, maalis ang stigma, at maibigay ang wastong kaalaman sa kabataan upang maiwasan ang mga problemang dulot ng maagang pagbubuntis at HIV.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2022, bumaba ang teenage pregnancy rate sa Central Luzon mula 8.6% noong 2017 patungong 5.4% noong 2022. Gayunman, nananatili pa rin itong kabilang sa mga rehiyon na may mataas na bilang ng maagang pagbubuntis.
Samantala, iniulat naman ng Department of Health na may 4,979 bagong kaso ng HIV na naitala mula Abril hanggang Hunyo 2025, bahagyang mas mababa ng 6% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Kabilang ang Gitnang Luzon sa pitong rehiyon na may pinakamataas na bilang ng kaso na umaabot sa 3,657 o 74%.
Para kay Jhoana Marie Manansala-Pongasi, Nurse ng PHO-Nueva Ecija, nananatiling mataas ang bilang ng mga kabataang edad 15–24 na apektado ng HIV sa probinsya.
Para naman kay Aliana Rayo, isang student leader na lumahok sa aktibidad, malaking tulong ang symposium upang mas maging mulat ang kabataan.
Patuloy ang pagpapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ng mga programang pangkalusugan sa iba’t ibang paaralan at komunidad katuwang ang PHO at mga pampublikong paaralan upang maihatid ang makabagong impormasyon para sa kalusugan at kinabukasan ng kabataan.

