Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas praktikal ang kasalukuyang cash grant na ibinibigay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang rice subsidy kaysa sa aktuwal na bigas.
Ito ay kasunod ng iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) na bigas ang ipamigay sa halip na cash aid para sa beneficiaries ng 4Ps.
Maliban sa education at health assistance, ay mayroon ding P600 monthly rice subsidy ang mga kwalipikadong miyembro ng 4Ps na nakapag-comply sa mga behavioral conditions tulad ng pagdadala sa kanilang mga anak sa eskwelahan, sa health centers para ipa-checkup at pagdalo sa Family Development Sessions (FDS).
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, mas gugustuhin nilang sumunod sa implementing rules and regulations (IRR) ng 4Ps Act na pabor sa rice cash subsidy imbes na mamahagi ng bigas.
Dagdag pa nito, mas magiging kapakipakinabang ang rice cash subsidy para sa mga benepisyaryo dahil maaari silang mamili ng bigas na nais nilang bilhin.
Ngunit, gayunpaman ay bukas ang DSWD sa mga rekomendasyon ng kanilang mga partner stakeholders upang mapabuti pa nila ang implementansyon ng kanilang programa.

