PAMAMAHAGI NG P12-B TULONG PINANSIYAL SA MAHIGIT 2-M MAGSASAKA, POSIBLENG MAKUMPLETO NG DA SA SETYEMBRE

Tiniyak ng Department of Agriculture na maipapamahagi na ang P12 billion cash aid sa mga magsasaka sa buwan ng Setyembre, 2024.

Ang naturang halaga ay bahagi ng P20 billion na sobrang taripang nakolekta ng gobyerno noong nakalipas na taon mula sa 3.6 million na tonelada ng bigas na inangkat.

Base sa datos ng ahensiya, umabot sa halos P30 billion ang naging kabuuang koleksiyon ng taripa ng bigas mula sa mga imported rice noong 2023.

Sa ilalim ng umiiral na batas, maaaring gamitin ng pamahalaan ang rice tariff collections na lumagpas sa P10 bilyon para sa cash assistance, crop diversification, land titling at karagdagang insurance program para sa mga rice farmers.

Pinili ng DA na tulungan ang 2.4 million na magpapalay bilang mga benepisyaryo sa ilalim ng rice farmers financial assistance program dahil sapat umano ito para maibigay ang P12 billion na sobrang nakolekta mula sa taripa.

Sa ilalim ng nasabing programa, ang mga nagtatanim ng palay na may sinasakang mas mababa sa dalawang ektarya at nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA ay ang makakatanggap lamang ng tig P5,000.

Samantala, Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang forum kamakailan na maliban sa cash assistance, ang natitirang nakolektang taripa ay nakalaan din sa ibang programa gaya ng P7 bilyon para sa crop diversification at P1 bilyon para sa land titling.