PAMBANSANG PABAHAY PARA SA PILIPINO PROGRAM, PINAPAMADALI

Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaroon ng positibong epekto ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa naganap na pulong ni Pangulong Marcos kasama ang mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD at National Economic and Development Authority o NEDA, sinabi ng Pangulo na kinakailangang magsagawa ng paraan upang maisakatuparan ang programa.

Iniulat din DHSUD ang mga pinakabagong update sa naturang housing program, habang iniharap naman ng NEDA ang assessment tulad ng mga posibleng maging issue at mga rekomendasyon para sa programa.

Nagsagawa ng ilang kahilingan ang DHSUD para sa 4PH Program, gaya ng pag-iisyu ng funding guarantee na magpapataas ng kumpiyansa ng mga government financial institutions upang suportahan ang programa at makahikayat pa ng partisipasyon mula sa mga pribadong bangko at iba pang institusyon.

Hiling din ng DHSUD kay Pangulong Marcos na ipa ‘certify as urgent’ ang 4PH Bill at pangalanan ito bilang priority legislation sa State of the Nation Address sa Hulyo, gayundin ang pagtiyak ng budget allocation para sa mga communal facilities tulad ng parke at basketball courts.

Ang 4PH Program ay itinatag noong 2022, at ito’y naglalayon na tugunan ang 6.5 million housing backlogs sa pamamagitan ng pagtatayo ng 1 million housing units taun-taon hanggang matapos ang administrasyong Marcos sa taong 2028.