PAMILYA PASS 1+3 PROMO, LAYONG PAIGTINGIN ANG BONDING NG PAMILYA TUWING LINGGO
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong “Pamilya Pass 1+3” promo sa mga linya ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2 upang hikayatin ang mga pamilyang Pilipino na magkasama tuwing Linggo.
Sa ilalim ng programang ito ng Department of Transportation (DOTr), isang pasahero lang ang kailangang bumili ng ticket at makakasama na ang tatlong miyembro ng pamilya nang libre.
Ibig sabihin, tuwing araw ng Linggo, apat na pasahero ang makakasakay sa isahang bayad.
Opisyal na nagsimula ang promo noong June 1, 2025, at tatagal ito hanggang sa huling Linggo ng taong 2028.
Available ito tuwing Linggo lamang at sakop ang lahat ng major rail lines sa Metro Manila.
Layunin ng programa na mabawasan ang gastos sa pamasahe at mas bigyang-halaga ang Linggo bilang araw ng pamilya.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, bahagi ito ng direktiba ng Pangulo na gawing mas abot-kaya at accessible ang pampublikong transportasyon para sa lahat ng Pilipino sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

