PAMILYANG KULANG SA PAGKAIN, BUMABA ANG BILANG AYON SA PSA

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Statistics Authority (PSA) na subaybayan ang progreso ng programang “Walang Gutom 2027: Food Provision through Strategic Transfer and Alternative Measures Program (Food Stamp).”

Ang programang ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay naglalayong wakasan ang kagutuman at mabigyan ng pagkakataong makabili ng masustansyang pagkain ang mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Ayon sa DSWD, bibigyan ng food credits at hindi pera ang mga benepisyaryo kada buwan, at maaari itong ipambili ng pagkain sa mga accredited na tindahan.

Batay sa datos ng PSA’s 2023 Official Poverty Statistics, bumaba na ang bilang ng mga pamilyang kulang sa pagkain mula isang milyon noong 2021 hanggang sa 700,000 noong 2023.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na sa kasalukuyan, 182,771 na pamilya na ang nakakatanggap ng buwanang food credits, at target ng programa na maabot ang 1 milyong pamilya sa 2027.

Samantala, upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa, ang DSWD ang inatasang humanap ng mga kwalipikadong benepisyaryo at makipagtulungan sa iba pang mga organisasyon para sa mas mabilis at mas maayos na distribusyon ng food stamps.