PAMILYANG MAHIHIRAP AT NASA KRISIS, SAKOP NG LIBRENG SERBISYO SA LIBING AYON SA SENADO

Inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa ang Senate Bill No. 2965 o Free Funeral Services Act, na naglalayong magbigay ng libreng serbisyo sa libing para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino, lalo na ang mga nasa krisis.

Sa ilalim ng panukala, ang mga benepisyaryo ay dapat masuri at kilalanin ng Department of Social Welfare and Development o DSWD bilang mahirap o nasa ilalim ng krisis na dulot ng kalamidad, sakuna, o anumang emergency cases. Sakop din ng tulong ang mga pamilyang may kita na mas mababa sa itinakdang poverty threshold ng National Economic and Development Authority o NEDA.

Ang mga kwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng tinatawag na “Indigent Funeral Package,” na sumasaklaw sa mga serbisyong tulad ng embalsamo, burol, cremation, transportasyon ng labi, at pagkakaloob ng kabaong o urn. Ang mga serbisyong ito ay ibibigay lamang ng mga accredited funeral establishments sa buong bansa.

Upang makatanggap ng libreng serbisyo, kailangang magsumite ang pamilya ng mga dokumentong kinabibilangan ng death certificate, valid ID, funeral contract, at social case study na magpapatunay sa kanilang pagiging kwalipikado.

Pinapayagan lamang ang pag-avail ng libreng serbisyo kada pagkamatay ng isang miyembro ng pamilyang mahirap.

Mahigpit na ipinagbabawal ang panlilinlang o anumang uri ng pandaraya sa pagkuha ng benepisyo, at ang sinumang mapatunayang nagsinungaling ay maaaring makulong ng anim na buwan at pagmultahin ng hanggang ₱500,000.

Bagaman pasado na ito sa Senado, kinakailangan pa rin ang pagpasa ng katapat na panukala sa House of Representatives bago ito ganap na maisabatas.