PAMIMILI NG PALAY NG KAPITOLYO, PATULOY NA SINASAGIP ANG MGA MALILIIT NA MAGSASAKA SA NUEVA ECIJA

Muli na namang nakapagbigay ng ngiti ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija dahil sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC), na bumibili ng aning palay ng mga maliliit nating magsasaka dito sa lalawigan dahil kahit nasalanta ng mga nagdaang bagyo ay makatarungan ang binibigay na presyo ng kapitolyo kumpara sa mga barat na traders.

Ilan sa mga magsasakang nai-rescue ng Kapitolyo si Tatay Eugenio Baguio mula sa Barangay San Cristobal, Licab, Nueva Ecija.

Sa kanyang sinasaka mula sa dalawang ektarya ng palayan ay nakapag-ani lamang siya ng nasa 109 kaban ng palay.

Ayon kay Tatay Eugenio, napakalaking bagay dahil nariyan ang PFC upang umalalay sa kanilang mga magsasaka para hindi sila malugi.

Sa lugar umano nila ay nasa P10.00 hanggang P12.00 lamang ang bilihan ng palay at sa itusra ng kanyang mga aning palay ay babaratin ito sa halagang sampung piso.

Nagpaabot din ng kanyang pasasalamat si Mario Montoya, magsasaka mula sa Barangay Bulakid, Guimba Nueva Ecija dahil sa 1.5 ektarya ng kanyang sinasakang palayan ay umani lamang ito ng nasa 85 kaban at binili ito ng PFC sa halagang P14.00.

Kung sa labas sya umano magbebenta ay bibilin lamang ito sa halagang P7.00 hanggang P8.00.

Kaya malaking tulong aniya para sa kanila ang PFC.