PAMPANGA, INILATAG ANG MGA PROYEKTO PARA WAKASAN ANG MATAGAL NANG PROBLEMA SA BAHA
Tinalakay noong Miyerkules, August 13, 2025 sa follow-up meeting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga ang kasalukuyang kalagayan ng mga nasirang flood control projects at kalsada matapos ang malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Pinangunahan ni Governor Lilia “Nanay” Pineda at 3rd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpupulong kasama ang mga opisyal mula sa NIA, DPWH, at mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga tinutukan ang Sta. Cruz Road Dike sa Lubao kung saan nasa higit 220 sa target na 350 metal sheet piles na ang naitatayo.
Samantala sa Brgy. Pulung Masle, Guagua, ay agad na naglagay ng sandbags sa gumuhong slope protection upang maiwasan ang mas malalang pinsala.
Habang ang nasirang slope protection sa Brgy. Candating sa Arayat ay sasailalim na sa dredging at full reconstruction.
Hindi rin nakalimutan sa meeting ang pagkukumpuni ng McArthur Highway sa Sto. Tomas, Minalin, San Simon, at Apalit, kung saan maglalaan ang national government ng pondo, kabilang ang P38.5 million para sa bako-bakong daan sa Apalit, at P40 miliion para sa mga sirang kalsadang papuntang Macabebe.
Kasama rin sa plano ang pagsasaayos ng slope protection ng tail dike sa Minalin, at slope protection sa Brgy. Mesalipit, Bacolor.
Bukod sa mga agarang aksyon, pinag-usapan din sa meeting ang malalaking proyekto laban sa pagbaha tulad ng Phase 2 ng Integrated Disaster Risk Reduction & Climate Change Adaptation Project na magtatayo ng mga floodway sa paligid ng Pampanga Bay, na layong maiwasan ang pagbaha lalo na sa ika-apat na distrito ng lalawigan.
Patuloy ding isinasagawa ang feasibility study at detailed engineering design ng P115 billion na Central Luzon – Pampanga River Floodway Project, katuwang ang mga foreign consultants mula sa Japan.
Target umano ng mga nasabing emergency repairs at projects na wakasan ang dekada nang problema sa pagbaha ng mga residente sa lalawigan ng Pampanga.

