PANAWAGAN NG ILANG PINOY, ISAPUBLIKO NG ICI ANG PAGDINIG SA FLOOD CONTROL ANOMALIES

Nanawagan ang ilang mambabatas at personalidad sa Independent Commission on Infrastructure o ICI na gawing bukas sa publiko ang mga pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Kasunod ito ng pahayag ng ICI na hindi ila-livestream ang mga unang pagdinig upang maiwasan ang “trial by publicity.”

Sinabi ni ICI executive director Brian Keith Hosaka na ang mga paunang pagdinig ay nakatuon sa pagbubuo ng kaso para sa Ombudsman at iba pang ahensya. Gayunman, tatalakayin pa ng komisyon ang posibilidad ng livestream bilang tugon sa panawagan para sa transparency.

Samantala, nilinaw ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa magiging polisiya ng ICI, na aniya’y isang independent body.

Umapela naman si Rep. Leila de Lima na huwag magtago sa publiko ang ICI. Katulad niya, iginiit ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na mahalaga ang transparency para sa public accountability at dapat i-reconsider ang desisyon ng ICI.

Itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na nilagdaan noong September 11, 2025. Inatasan itong magsagawa ng imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects at iba pang imprastraktura ng gobyerno sa nakalipas na sampung taon.